Itinanggi ni Bise Presidente Sara Duterte ang kumakalat na alegasyon na binato umano niya ng laptop ang kanyang legal counsel na si Atty. Michael Poa, na nagsisilbing tagapagsalita ng kanyang defense team sa impeachment case.

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na pawang “basura” ang naturang isyu at bahagi umano ito ng misinformation campaign laban sa kanya.

Giit niya, kailanman ay hindi niya ginawa ang sinasabing pambabato ng laptop sa kahit sinong kasamahan, empleyado, o abogado.

Sumagot si Duterte matapos tanungin ng isang overseas Filipino worker tungkol sa usapin na kumakalat online. Dagdag niya, bahagi ito ng sinasabi niyang disinformation ng kanyang mga katunggali sa pulitika.

Samantala, lumutang ang isyu matapos banggitin ni Atty. Lorna Kapunan sa isang panayam sa radyo na maaaring may katotohanan ang kumakalat na kuwento, bagaman ito ay pawang haka-haka lamang.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw rin ni Duterte na bihira siyang gumamit ng laptop at kadalasan ay ginagamit lamang ito sa mga online meeting tulad ng Zoom. Ayon pa sa kanya, personal niya itong binili at hindi niya ito sisirain dahil sariling gastos niya ang pagbili nito.

Sa kasalukuyan, nasa The Hague si Duterte upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa International Criminal Court habang hinihintay ang paglilitis kaugnay ng kasong crimes against humanity.