Nagpahayag ng pangamba si Vice President Sara Duterte sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, paghina ng piso, at mataas na inflation sa bansa.

Sa panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na matinding epekto umano sa mga Pilipino ang sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng krudo, palitan ng dolyar, at inflation rate.

Nanawagan din ang Bise Presidente sa administrasyon na bigyang prayoridad ang ayuda para sa mga pinakamahihirap na sektor upang maiwasan umano na mauwi ang ilan sa krimen at karahasan dahil sa matinding kahirapan.

Kasabay nito, muling nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo. Nagpatupad ang ilang oil companies ng dagdag na P2.21 kada litro ng gasolina at P2.66 naman sa diesel.

Nagbabala rin si Duterte laban sa umano’y operasyon ng mga troll farm na ginagamit umano para sirain ang kanyang imahe bago ang 2028 national elections.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ng Bise Presidente ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media dahil maaari umano itong manipulahin para sa political agenda.

Matatandaang inanunsyo ni Duterte noong Pebrero ang kanyang planong pagtakbo bilang pangulo sa 2028 elections.