Iginiit ng Malacañang na walang krisis sa suplay ng langis sa bansa sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ngunit kinilala ang umiiral na “price disruption” dulot ng sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi maituturing na oil crisis ang kasalukuyang sitwasyon sa bansa.

Batay aniya sa pahayag ni Sharon Garin, may dalawang uri ng krisis, ito ay sa suplay at sa presyo, at sa ngayon ay wala namang kakulangan sa suplay ng langis sa Pilipinas.

Gayunman, aminado ang Palasyo na may nararanasang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng mga kaganapan sa Gitnang Silangan.

Nagsimula ang serye ng malalaking dagdag-presyo sa petrolyo noong ikalawang linggo ng Marso, kung saan umabot sa double-digit ang itinaas sa presyo ng diesel at gasolina dahil sa tumitinding tensyon sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dulot nito, maraming motorista ang napilitang magtipid, habang may ilang gasoline retailer ang nag-ulat ng limitadong suplay ng diesel.

Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Energy na sapat ang imbentaryo ng langis sa bansa, at ang kasalukuyang suplay kasama ang mga inaasahang darating na shipment ay maaaring tumagal ng hanggang 50 araw.

Samantala, inaprubahan bilang urgent ni Ferdinand Marcos Jr. ang isang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency powers upang pansamantalang masuspinde o mabawasan ang excise tax sa langis, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo nito.

Bukod dito, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang pagkuha ng alternatibong pinagkukunan ng produktong petrolyo upang matugunan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.