Walang naitalang oil spill o pagtagas ng langis mula sa turistang yate na sumadsad sa Tubbataha Reefs Natural Park sa Palawan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na nananatiling nakasadsad sa bahura ang Motor Yacht Siren 2 ngunit wala pang nakikitang oil sheen o anumang senyales ng pagtagas ng langis.

Ayon kay Cayabyab, naglatag na rin ang PCG ng oil spill boom bilang pag-iingat upang maprotektahan ang lugar habang nagpapatuloy ang monitoring sa yate.

Ligtas naman ang lahat ng 28 sakay ng barko, kabilang ang 14 dayuhang diver at 14 na Pilipinong crew member. Dinala na ang mga pasahero sa Puerto Princesa City at nabigyan ng pansamantalang matutuluyan.

Nabatid na umalis ang yate sa Puerto Princesa noong Hunyo 10 patungong Tubbataha Reef Marine Park. Sumadsad ito noong Hunyo 14 matapos umanong tamaan ng biglaang malakas na hangin habang nakadaong malapit sa bahura.

-- ADVERTISEMENT --