
Nagbabala ang pamunuan ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na posibleng bumaba pa ang water elevation ng Magat Dam sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na tag-init at kakulangan ng pag-ulan.
Ayon kay Engineer Carlo Ablan, manager ng NIA MARIIS, umaga nitong Sabado ay nasa 166.58 meters ang elevation ng dam, pumapasok lamang na tubig ay 34 cubic meters per second, samantalang ang lumalabas ay nasa 130 cubic meters per second at asahan pa ang patuloy na pagbaba ng level nito.
Dahil dito, nagpatupad na ang NIA ng mahigpit na water rationing at pagbabawas ng suplay sa irigasyon.
Pinapayuhan ang mga magsasaka na huwag munang magtanim hangga’t hindi dumarating ang inaasahang pag-ulan.
Aabot sa 65,000 ektarya ng sakahan ang posibleng maapektuhan kung tuluyang bumaba ang tubig sa critical elevation na 160 meters.
Umaasa ang NIA na magkaroon na ng ulan sa buwan ng Hulyo upang hindi tuluyang maapektuhan ang pananim at kabuhayan ng mga magsasaka.
Maliban sa mga magsasaka, apektado na rin ang mga fish cage operators dahil sa nangangamatay na tilapia o fish kill sa bahagi ng nasabing dam.




