Pinalakas ng pamahalaan ang paggamit ng mga power plant na gumagamit ng natural gas, langis at coal matapos magkaroon ng aberya sa ilang malalaking planta, na nagresulta sa yellow alert sa Luzon grid.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines, idineklara ang yellow alert noong Abril 17 dahil sa kakulangan ng reserbang kuryente matapos mag-trip ang ilang planta, kabilang ang Ilijan at mga unit ng Excellent Energy Resources Inc.

Ang mga nasabing pasilidad ay pinapatakbo ng San Miguel Global Power, Meralco PowerGen Corporation, at Aboitiz Power Corporation.

Dahil umaasa ang Visayas sa suplay mula Luzon at Mindanao, nagdeklara rin ng yellow alert sa Visayas grid.

Upang maiwasan ang brownout, sinabi ng Department of Energy Philippines na agad pinalakas ng ilang planta ang kanilang kapasidad, kabilang ang Sta. Rita, San Gabriel, at Avion, pati na ang iba pang pasilidad sa Bataan, Navotas, Rizal, Zambales, at Quezon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni Sharon Garin, Kalihim ng Enerhiya, na may sapat na suplay ng kuryente sa bansa at hindi inaasahang magdudulot ng power outage ang pagtaas ng presyo ng langis, dahil maliit lamang ang bahagi ng diesel sa kabuuang power generation.