Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng maibalik sa bansa ang puganteng si Zaldy Co sa loob ng isa hanggang tatlong linggo matapos itong maaresto sa Czech Republic.

Ayon kay Remulla, nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs sa mga awtoridad ng Czech para sa deportation ni Co.

May kaunting komplikasyon umano sa proseso dahil wala itong dalang travel documents nang maaresto, at nakabatay ang deportation sa kanseladong pasaporte nito.

Pagdating sa Pilipinas, sasailalim si Co sa medical examination sa Camp Crame bago ikulong at iharap sa Sandiganbayan para sa arraignment at pagdinig sa kanyang mga kaso.

Umalis ng bansa si Co noong Hulyo 2025 matapos masangkot sa multibillion flood control scandal at umano’y nagpagamot sa Estados Unidos.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan, idineklara siyang fugitive from justice nang hindi siya sumunod sa utos ng Sandiganbayan, na naglabas ng arrest warrant laban sa kanya at 17 iba pa noong Nobyembre 2025.

Kaugnay ito sa umano’y iregularidad sa P289.4 milyong road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Nahaharap si Co sa kasong graft at malversation matapos umanong maging substandard ang proyekto at matakpan sa pamamagitan ng pekeng sertipikasyon na nagbigay-daan sa pagbabayad sa contractor.