
Ibinunyag ng isang grupo ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ang umano’y ₱1 bilyong aregluhan kapalit ng pagbawi ng kaso laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ayon sa grupo, ilang indibidwal ang itinuturong nasa likod ng umano’y negosasyon na may kinalaman sa pag-atras sa reklamo ng mga pamilya.
Mariin namang itinanggi ng isa sa mga personalidad na nadadawit ang anumang partisipasyon sa naturang usapin at sinabing sila pa ang napagbintangang tumanggap ng pera matapos umanong alisin sa group chat at akusahan ng pakikipagsundo sa kabilang panig.
Samantala, nauna nang inamin ng kampo ni Ang na may naibigay na tig-₱20,000 sa ilang pamilya bilang tulong, ngunit nilinaw na hindi ito kabayaran para umatras sa kaso.
Nanawagan naman ang grupo sa Department of Justice na palawakin pa ang imbestigasyon at isama sa kaso ang ilang iba pang personalidad na umano’y sangkot sa isyu.










