Tinatayang 1,000 Pilipinong seafarer ang nananatiling naipit sa Strait of Hormuz dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ayon sa Federation of ASEAN Shipowners’ Associations (FASA).

Ayon kay FASA Chairman Mohamed Safwan bin Othman, nasa 500 barko pa mula sa rehiyon ang nananatili sa naturang daanan, kung saan karamihan sa mga apektadong tripulante ay mga Pilipino.

Sinabi ni Othman na bumaba na ang bilang ng mga barkong naipit kumpara sa mahigit 2,000 noong kasagsagan ng krisis, ngunit patuloy pa rin ang problema dahil sa seguridad, pagkaantala ng biyahe, at mataas na insurance cost.

Nauna nang iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ilang barkong may sakay na mga Pilipinong seafarer ang ligtas nang nakalabas sa conflict area sa Persian Gulf.

Patuloy namang inuuna ng mga shipping group ang kaligtasan ng mga seafarer habang isinasagawa ang rerouting ng mga barko upang maiwasan ang mas mapanganib na bahagi ng Strait of Hormuz.

-- ADVERTISEMENT --