
Nagpataw ng parusa ang Land Transportation Office laban sa 15 driver na sangkot sa illegal drag racing.
Nag-ugat ang aksyon matapos magsagawa ng imbestigasyon ang ahensya kaugnay ng mga reklamo sa pagpapakalat ng illegal street racing sa social media, partikular sa Facebook page na Smoke Machine PH.
Naglabas ang LTO ng kabuuang 17 show cause orders laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng mga sasakyang nakita sa mga video. Matapos ang imbestigasyon, isa ang tinanggalan ng lisensya habang 14 naman ang sinuspinde ng tatlo hanggang anim na buwan.
Nakipag-ugnayan na rin ang LTO sa Meta Platforms upang ipatanggal ang mga account na nagpapakalat ng nasabing content. Naalis na ang isang account, ngunit nananatiling aktibo ang Smoke Machine PH.
Patuloy naman ang operasyon ng LTO upang matukoy at mahuli ang iba pang sangkot sa ilegal na karera.








