
Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P102.5 milyong piso na halaga ng pekeng gamot sa kanser sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Makati City noong Biyernes, na ikinaaresto ng apat na suspek.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong sabado, isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang operasyon kung saan nakumpiska ang 400 piraso ng pekeng gamot na may label na Keytruda 100 mg/4 ml, na may kabuuang halagang 102,577,500 piso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang apat na suspek at mahaharap sila sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines.
Binigyang-diin ng PNP na seryoso ang ganitong uri ng krimen dahil direktang nalalagay sa panganib ang buhay ng mga tao, lalo na ang mga pasyenteng umaasa sa tamang gamot.
Nagpaalala rin ang PNP sa publiko na maging maingat at mapanuri sa pagbili ng mga produkto, lalo na kung ito ay may kinalaman sa kalusugan, at iwasan ang mga kahina-hinalang transaksyon.
Nagbabala naman ang PNP sa mga sangkot sa bentahan ng pekeng gamot na mananagot sila sa batas.










