
Isang mag-aaral sa Tupi, South Cotabato ang sinita ng mga awtoridad matapos silang makatanggap ng impormasyon na may dala itong baril.
Sinabing sinita ang 16-anyos na estudyanteng lalaki sa national highway sa Barangay Poblacion noong Martes.
Ayon sa Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12), nakuha sa estudyante ang isang 9mm na baril, at dalawang magazine na naglalaman ng mga bala.
Batay sa imbestigasyon, nakarehistro ang baril sa isang miyembro ng kaniyang pamilya at may legal na lisensya sa pagmay-ari ng baril.
Ayon sa mga awtoridad, kinuha umano ng estudyante ang baril nang walang pahintulot ng may-ari.
Dinala ang estudyante sa himpilan ng pulisya at kalaunan ay ipinasa sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) upang mabigyan ng angkop na interbensyon.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kapag may nalalaman na mga taong nag-iingat o nagdadala ng baril na hindi awtorisado, o ginagamit nang hindi tama.










