
Inaresto ng National Bureau of Investigation o NBI ang isang indibidwal na umano’y may kaugnayan sa shooting incident sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato, at isang hinihinalang online groomer sa Cebu.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag sa Senate budget hearing, isinagawa ang mga pag-aresto sa tulong ng National Prosecution Service at Department of Justice.
Hindi naman idinetalye ni Matibag ang eksaktong papel ng inarestong indibidwal sa insidente sa South Cotabato, ngunit sinabi niyang patuloy ang koordinasyon ng NBI sa paaralan at iba pang kinauukulang ahensya.
Sinabi rin ng opisyal na inaasahang may mga karagdagang operasyon sa mga susunod na araw para matukoy at mailigtas ang iba pang indibidwal na posibleng kabilang sa naturang grupo.
Samantala, humihingi ang NBI ng karagdagang P1 bilyong confidential funds para sa mga kagamitan at teknolohiyang gagamitin sa pagtugon sa cybercrime at iba pang criminal activities.










