Nais ng Department of the Interior and Local Government na higpitan ang access ng mga bata sa social media, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato kahapon ng hapon.

Lumitaw sa paunang imbestigasyon na may exposure sa “deep dark web” ang 14-anyos na estudyanteng itinuturong gunman sa insidente.

Hindi na tinukoy ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang partikular na website ngunit sinabi niyang maaaring nakaimpluwensiya ito sa menor de edad.

Nakitaan din umano sa cellphone ng suspek ng ilang notes tungkol sa kaniyang depression, na unang natuklasan ng kaniyang mga magulang noong Abril.

Dahil dito, makikipagpulong si Remulla sa Department of Information and Communications Technology para talakayin ang mga hakbang laban sa mapanganib na online exposure ng mga bata.

-- ADVERTISEMENT --

Hihilingin din umano niya sa Kongreso na pag-aralan ang paglilimita sa paggamit ng social media ng mga bata, gaya ng ginawa ng Australia.

Samantala, sinabi ni Remulla na ang baril na ginamit sa insidente ay pag-aari ng ama ng suspek na isang Disaster Risk Mitigation Officer ng Department of Education.

Tatlong lisensiyadong baril umano ang pag-aari ng ama, ngunit hindi “secured” kaya nakuha ng bata ang isa.

Maalalang tatlong estudyante ang nasawi sa insidente, dalawang Grade 9 students at ang estudyanteng itinuturong gunman.

Walo naman ang sugatan, dalawa ang nasa seryosong kondisyon habang anim ang nasa maayos nang kalagayan.

Nagpaabot ng pakikiramay si Remulla at ang PNP sa mga pamilya ng mga nasawi.

Nagpapatuloy din ang imbestigasyon sa insidente.