Nakuha ang isang kalibre .22 na baril na may limang bala at isang pocket knife sa bag ng isang Grade 3 pupil sa isang paaralan sa Opol, Misamis Oriental.

Nangyari ang insidente dakong alas-1 ng hapon nitong Miyerkules, matapos umanong mahulog mula sa bag ng estudyante ang isang patalim.

Ayon sa school security guard na si Marlane Daniel, nang inspeksyunin ang bag, nakita rin dito ang baril na may kasamang limang bala.

Sinabi umano ng estudyante na ang kaniyang nakatatandang kapatid na Grade 4 pupil ang naglagay ng baril sa kaniyang bag.

Hinihinalang naipasok ang bag sa pamamagitan ng bakod ng paaralan upang makaiwas sa inspeksyon sa gate.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ipinagkatiwala na sa mga social worker ang Grade 3 pupil para sa kaukulang intervention.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang may-ari ng baril at kung paano ito nakapasok sa paaralan.