

TUGUEGARAO CITY- Nakapagtala ang lungsod ng Tuguegarao ng 170 new cases ng covid-19 kahapon, January 11.
Dahil dito, umaabot na sa 697 cases ang active cases ng virus sa lungsod buhat nitong January 1, 2022.
Sa nasabing bilang, anim ang namatay kung saan tatlo ang bakunado at tatlo ang hindi bakunado.
Umaabot naman sa 57 ang isinailalim sa granular lockdown sa lungsod.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na may hinala sila na nakapasok na ang omicron variant sa lungsod dahil sa mabilis na transmission ng virus bagamat wala pang opisyal na announcement ang Department of Health o DOH.
Dahil dito, muling umapela ang alkalde na huwag maging kampante at sumunod sa minimum health protocols dahil sa marami sa kaso ang asymptomatic at mild cases.
Binigyan diin ni Soriano na kailangan na huwag magpabaya dahil kung patuloy na tataas ang kaso ng covid-19 sa lungsod ay maaapektuhan ang ating buhay lalo na sa healthcare system dahil sa marami na rin sa mga healthcare workers ang tinamaan ng sakit.
Ayon sa kanya, kahit pa gustuhin ng mga healthcare workers na tumulong sa paglaban sa virus kung sila mismo ay tatamaan ay maaapektuhan ang pagtugon sa nasabing problema.
Paalala ni Soriano na huwag maging pasaway sa halip at makiisa sa kampanya laban sa covid-19 dahil sa naniniwala siya na sa susunod na buwan ay babana na ang kaso kung lahat ay susunod sa mga inilatag na mga patakaran.










