
Sinibak sa pwesto ang dalawang aktibong pulis na inireklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng kaso ng missing sabungeros.
Ito’y habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group (HPG) Director Brig. Gen. Rommel Batangan, agad na inalis sa pwesto si HPG Spokesperson Lt. Nadame Malang matapos madawit sa umano’y interference.
Batay sa inisyal na imbestigayson, sinundo ‘di umano ni Malang ang tatlong indibidwal na nasa labas ng Camp Crame, gamit pa ang kanyang personal na sasakyan para makapsok sa kampo.
Nilinaw ng HPG na hanggang labas lamang siya ng custodial facility at hindi nakapasok sa mismong lugar.
Giit ni Batangan, hindi na ito bahagi ng trabaho ni Malang bilang PIO kaya siya agad na na-relieve habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.
Sa panig naman ng Headquarters Support Service (HSS), sa pamumuno ni Brig. Gen. Manuel Abrugena, patuloy pa ang beripikasyon kung may mga kamag-anak ng missing sabungeros na nakapasok sa custodial facility, dahil wala pa anilang matibay na ebidensya sa ngayon.
May CCTV footage ngunit hindi HSS ang custodian ng recordings.
Ayon sa HSS, may regular visiting hours para sa persons under police custody pero bawal ang unauthorized visitors, at isa ito sa tinitingnan sa imbestigasyon.
Inalis na rin sa pwesto si Maj. Reynaldo Panebe Jr..
Tiniyak naman ng PNP na patuloy ang malalim na imbestigasyon sa lahat ng anggulo kaugnay ng kaso, alinsunod sa utos ng kanilang leadership.









