
Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission o NAPOLCOM ang isang babaeng pulis matapos magamit ng kaniyang 14-anyos na pamangkin ang kaniyang service firearm sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Napatunayang nagkasala sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer ang isang police staff sergeant na nakatalaga sa Regional Finance Service Unit 8.
Matatandaang tatlong estudyante ang nasawi at ilan pa ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22.
Sa imbestigasyon, lumitaw na iniwan ng pulis ang kaniyang 9mm pistol sa bahay habang naka-duty at itinago lamang sa plastic gun box sa loob ng plastic cabinet, sa halip na sa safety vault na itinatakda ng PNP.
Ayon sa NAPOLCOM, matinding kapabayaan ang hindi wastong pag-iingat sa baril na nauwi sa trahedya.
Bukod sa pagkakasibak, mawawala rin ang mga benepisyo ng pulis at habambuhay na siyang diskuwalipikadong humawak ng posisyon sa gobyerno.









