
Nasawi ang dalawa at sugatan ang apat sa anim na construction worker matapos silang makuryente habang nagtatrabaho sa itinatayong gusali ng Department of Agriculture sa Barangay Tapao-tigue, Currimao, Ilocos Norte.
Ayon kay P/Cpt. Melvin Soriano, hepe ng Currimao Municipal Police Station, naganap ang aksidente habang inililipat ng mga biktima ang isang four-layered scaffolding na ginagamit sa konstruksyon ng warehouse nang bigla itong tumagilid at sumagi sa isang 3-phase primary line o live wire.
Dahil sa tindi ng boltaheng dumaloy sa scaffolding, idineklarang dead on the spot sina Lawrence Albino, 45-anyos, at Christopher Queddeng, 47-anyos, habang tumalsik naman sa lakas ng kuryente ang apat nilang kasamahan.
Agad na isinugod sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Lungsod ng Batac ang mga sugatang sina Rogelio Cardenas, Albert Comamo, Dexter Bagarino, at Kalyl Antipolo upang lapatan ng lunas.
Sa kasalukuyan, tiniyak ni Mayor Edward Quilala ng Currimao na magpapaabot ng kaukulang tulong ang lokal na pamahalaan para sa mga naulilang pamilya at sa mga biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.










