
Nanawagan ng pagkakaisa at tulong si Crispin Varquez, Obispo ng Diocese of Borongan, upang mapabilis ang pagbangon ng mga naapektuhan ng 6.0-magnitude na lindol sa Eastern Samar.
Ayon sa obispo, bagama’t malakas ang pagyanig, hindi ito nagtagal kaya’t minimal lamang ang pinsala at nanatiling ligtas ang karamihan sa mga residente at istruktura sa lalawigan.
Gayunman, hinikayat niya ang mga apektado ng lindol at ng pag-aalburuto ng Mayon Volcano na magkaisa sa panalangin at muling pagbangon.
Ipinanalangin din ni Varquez ang kaligtasan ng mga Pilipino laban sa iba pang posibleng sakuna at ang agarang pagbangon ng mga biktima ng lindol at ashfall.
Sa Eastern Samar, naiulat ang pagkakaroon ng structural cracks sa ilang simbahan dulot ng lindol.
Samantala, nanawagan din ng tulong ang Social Action Center of the Diocese of Legazpi para sa libo-libong pamilyang naapektuhan ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay.
Batay sa ulat ng SAC-Legazpi, nagbuga ang bulkan ng malakas na pyroclastic density current mula sa Mi-isi Gully noong Mayo 2, na nagdulot ng makapal na ashfall sa mga bayan ng Oas, Guinobatan, Ligao City, at Camalig, dahilan upang lumikas ang libo-libong residente.
Ayon sa pinakahuling tala, mahigit 195,000 indibidwal o halos 56,000 pamilya mula sa 129 barangay ang naapektuhan, habang higit 4,000 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 17 evacuation centers.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone.
Naitala rin ang pinsala sa agrikultura, kabilang ang pagkasira ng mga pananim at pagkamatay ng ilang alagang hayop dahil sa makapal na abo, na nagdudulot ng pangamba sa suplay ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.
Patuloy ang assessment ng mga lokal na pamahalaan sa lawak ng pinsala, habang inilunsad ng SAC-Legazpi ang donation drive para sa mga evacuee, kabilang ang face masks, inuming tubig, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.









