Nasawi ang dalawang katao, kabilang ang isang 58-anyos na Pilipino, habang 19 iba pa ang nasugatan matapos bumaligtad ang isang tourist bus sa Buchloe, Germany.

Ayon sa Philippine Consulate General o PCG sa Frankfurt, nasa 33 Pilipino ang sakay ng bus na bumiyahe mula Milan patungong Munich para sa Oktoberfest.

Isang source sa Frankfurt ang nagsabing kabilang sa mga nasawi ang 58-anyos na Filipino national na permanent resident sa Italy. Kinumpirma rin ng isang Filipino community leader na isang miyembro nila ang kabilang sa dalawang nasawi.

Dinala sa iba’t ibang ospital sa Bavaria ang mga nasugatan, habang ang iba pang pasahero ay nasa pangangalaga ng Red Cross.

Ayon sa lokal na pulisya, nangyari ang aksidente pasado alas-5:40 ng umaga nang lumihis sa highway ang bus at bumaligtad. Hindi pa opisyal na natutukoy ang sanhi ng insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan naman ang dalawang Italian bus driver kaugnay ng insidente, habang nagsasagawa ng accident reconstruction ang mga awtoridad.

Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCG Frankfurt, PCG Milan at Philippine Honorary Consulate sa Munich sa mga German authorities upang matulungan ang mga biktima at kanilang pamilya, kabilang ang pagpapauwi sa mga pasaherong ayaw nang bumiyahe pabalik sa Milan sakay ng coach dahil sa trauma.