
Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi matapos tamaan ng Russian glide bomb ang dalawang bus na may sakay na sibilyan sa Kramatorsk, eastern Ukraine, ayon sa rescue officials.
Labing-walo naman ang sugatan sa insidente. Tatlo pa ang iniulat na nasawi sa kalapit na village ng Bilenke, bahagi rin ng Kramatorsk community.
Sinabi ni Donetsk regional head Vadym Filashkin na tinarget umano ng pag-atake ang mga bus na may mga pasahero.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Moscow kaugnay sa insidente.
Kasunod ng pag-atake, ipinahinto ang pampublikong transportasyon sa Kramatorsk at kalapit na Slovyansk dahil sa lumalalang seguridad.
Samantala, sinabi ng United Nations na mas marami nang sibilyan ang napatay sa Ukraine hanggang Agosto ngayong taon kumpara sa buong 2025.










