
Inaasahang aabot sa 20,000 manggagawa ang makikibahagi sa malawakang protesta sa Labor Day ngayong araw, ayon sa grupong Laban Manggagawa Coalition.
Magmamartsa ang mga kalahok sa ilang bahagi ng Metro Manila at iba pang lugar sa bansa para igiit ang dagdag-sahod, pagbabago sa mga patakaran sa paggawa, at mas murang presyo ng enerhiya.
Ayon sa grupo, hindi na sapat ang kasalukuyang minimum wage dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at krisis sa ekonomiya. Dagdag pa nila, kulang din umano ang suporta ng pamahalaan para sa mga manggagawa.
Lalahok sa protesta ang iba’t ibang sektor kabilang ang transport group, mga labor union, at iba pang samahan ng manggagawa.
Kabilang sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga pagkilos ay ang Liwasang Bonifacio, Rizal Park, at mga bahagi ng Morayta Avenue at Mendiola sa Maynila.








