
Dumagsa sa isinagawang Labor Day Job Fair ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na napilitang umuwi mula sa mga bansa sa Middle East dahil sa umiiral na kaguluhan at giyera.
Kabilang sa mga aplikante si 62-anyos na si Rudillo Anida Jr., na nawalan ng trabaho bilang safety officer sa isang construction firm sa Dubai matapos maapektuhan ng giyera ang kanilang operasyon.
Ayon kay Anida, tatlong buwan siyang hindi nakasahod bago tuluyang umuwi ng bansa.
Dahil sa patuloy na gastusin tulad ng upa sa bahay at pang-araw-araw na pangangailangan, sinabi niyang mahalagang makahanap agad siya ng bagong trabaho.
Samantala, ibinahagi rin ng 28-anyos na si Rica Lucero ang hirap sa paghahanap ng trabaho.
Ayon sa kanya, matagal na siyang walang trabaho at ilang beses nang umaasa sa mga job fair ngunit madalas ay hindi natatawagan matapos mag-apply.
Umaasa si Lucero na matatanggap siya sa anumang posisyon, kabilang na ang pagiging saleslady.
Batay sa datos ng Quezon City Public Employment Service Office (PESO), umabot sa 1,725 ang on-site registered job seekers hanggang alas-2 ng hapon. Sa bilang na ito, 134 ang agad na natanggap o “hired on the spot.”
Karamihan sa mga natanggap ay napunta sa sektor ng wholesale at retail trade, kabilang ang mga posisyong store crew, sales clerk, cashier, at dishwasher.
Isinagawa ang job fair sa MICE Center sa Quezon City Hall bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng Paggawa.










