Nakatanggap ng tulong pinansyal ang 2,224 na magsasaka ng palay sa Ikatlong Distrito ng Cagayan sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) ng Department of Agriculture (DA) ngayong araw, Oktubre 19.

Nakibahagi sa pamamahagi si Congressman Joseph “Jojo” Lasam Lara.

Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 1,263 ang mula sa Solana, 391 sa Amulung, 342 sa Enrile, 154 sa Tuguegarao City, 42 sa Iguig at 32 sa Peñablanca.

Samantala, sinabi ni Lara na kabilang sa mga prayoridad na proyekto sa distrito ang pagpapalawak ng sistema ng patubig sa Northern Solana upang matulungan ang mga magsasaka, gayundin ang konstruksyon ng Mamil Dam sa Enrile na may pondong P1.6 bilyon at ang Solana–Tuguegarao Bridge.

Kabilang din sa mga isinusulong ang pagsasaayos ng mga kalsada at tulay, gayundin ang pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan, kabilang ang dialysis center at libreng laboratory services sa Solana.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Lara, naipasa na sa Kongreso noong nakaraang linggo ang panukalang P7 trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon, na inaasahang magsisilbing suporta sa mga programang pangkaunlaran, kabilang ang para sa sektor ng agrikultura.