Target ng House Prosecution Panel na magharap ng humigit-kumulang 25 testigo sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, hindi pa maaaring isapubliko sa ngayon ang mga pangalan ng mga testigo dahil kasalukuyan pa silang sumasailalim sa vetting process.

Gayunpaman, ibinunyag ni Luistro na kabilang sa mga nakalinyang testigo ay ang mga opisyal mula sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).

Pero dahil sa kanilang malapit na ugnayan sa Bise Presidente, inaasahan na ng panel ang kanilang katapatan dito. Kaya naman, ipatatawag sila sa ilalim ng rules of evidence bilang mga “hostile witness.”

Matatandaan na sa mga isinagawang clarificatory hearing ng House Committee on Justice, isa sa mga pangunahing tumestigo ay si Ramil Madriaga, na nagpakilalang dating aide at umano’y bagman ng Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Humarap din sa pagdinig si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura, na nag-ulat hinggil sa natuklasang ₱6.7 bilyong halaga ng mga umano’y kahina-hinalang bank transactions nina VP Sara at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula taong 2006 hanggang 2025.

Bukod sa kanila, nagprisenta rin ng mga ebidensya ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pangunguna ni Director Melvin Matibag. Kabilang sa kanilang inilatag ang mga pagsusuri sa mga authenticated video, mga acknowledgment receipt, at mga natuklasang detalye kaugnay ng mga naging pagbabanta ng Pangalawang Pangulo.