
Tatlong tropical cyclone ang minomonitor malapit sa Philippine Area of Responsibility o PAR, kabilang ang Typhoon Saudel na patuloy na lumalakas at posibleng maging super typhoon.
Ayon sa Weather State Bureau, taglay ni Saudel ang lakas na hanggang 175 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 215 kilometro kada oras.
Inaasahang tatawid ito sa PAR pagsapit ng Lunes ng gabi at papangalanang Obet kapag pumasok sa bansa.
Dalawa pang tropical cyclone ang binabantayan—isang tropical depression na nasa silangan ng Eastern Visayas at Tropical Depression Gaenari na nasa hilaga ng Itbayat, Batanes.
Pareho pa ring nasa labas ng PAR at wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal sa bansa.
Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Habagat sa Luzon, na nagdadala ng mga pag-ulan sa Batanes, Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, ilang bahagi ng CALABARZON, Occidental Mindoro at Cagayan Valley.
Nagbabala ang Weather State Bureau sa posibilidad ng flash floods at landslides sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Inaasahan ding magiging maalon ang karagatan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon.










