Tatlo ang nasawi habang 15 iba pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Bagua 2, Cotabato City, bago maghatinggabi kagabi, September 13.

Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, kabilang sa mga nasawi ang 88-anyos na si Edar Kasan Andog, residente ng Purok Tulingan, Bagua 2.

Hindi pa nakikilala ang dalawa pang nasawi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga grupong maagang pumila para sa Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong araw.

Dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan para sa agarang gamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, batay sa mga basyo ng bala na narekober sa lugar, pinaniniwalaang caliber .45 at 9mm na baril ang ginamit sa pamamaril.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya, habang isinasagawa pa ng Scene of the Crime Operatives ang pagproseso sa crime scene.