Tatlong katao ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan matapos mauwi sa putukan ang alitan ng magkabilang grupo ng mga political supporter sa labas ng isang paaralan sa Cotabato City, ilang oras bago ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections.

Naganap ang insidente bandang alas-5 ng umaga sa Datu Usman Mampen school site sa Barangay Bagua 2, matapos umanong magtulakan ang supporters ng UBJP at BFP dahil sa puwesto sa pila.

Ayon kay Cotabato City Police chief Col. Jibin Bongcayao, nauwi sa suntukan ang pagtatalo hanggang sa magkaroon ng putukan sa lugar. Kabilang sa mga nasugatan si Councilor Marouph Pabo Pasawiran.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang iniimbestigahan din ang hiwalay na pagsabog sa Barangay Kapimpilan na ikinasugat nang malubha ng isang lalaki.