
Arestado ng Police Regional Office 3 ang apat katao sa magkahiwalay na operasyon na nagresulta rin sa pagkakadiskubre ng isang illegal fertilizer manufacturing facility sa Nueva Ecija.
Sa Talavera, tatlong suspek ang naaresto matapos mahulihan ng 260 sako ng pekeng pataba na nagkakahalaga ng tinatayang ₱258,000.
Dahil sa impormasyong nakuha sa operasyon, natunton ng mga awtoridad ang isang hindi rehistradong fertilizer manufacturing warehouse sa Rizal, Nueva Ecija, kung saan naaresto ang may-ari.
Nasamsam sa bodega ang humigit-kumulang 500 sako ng iligal na ginawang pataba, 21 granulator machines at mga delivery truck na may kabuuang halagang tinatayang ₱900,000.
Ayon sa pulisya, nabigo ang may-ari na magpakita ng mga kinakailangang permit at rehistro mula sa Fertilizer and Pesticide Authority.
Ayon kay PRO3 Regional Director PBGEN Jess Mendez, bahagi ang operasyon ng kampanya laban sa agricultural fraud at economic sabotage upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapigilan ang pamamahagi ng mga pekeng at substandard na pataba.










