Isang taon matapos ilantad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y katiwalian sa mga proyektong flood control, umabot na sa 6 na kaso ang naihain laban sa 45 indibidwal, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at dalawang malalaking construction firms sa bansa.

Kabilang sa mga nahaharap sa kaso sina dating House Appropriations Committee Chairperson at dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, mga opisyal ng Sunwest Construction and Development Corporation at St. Timothy Construction Corporation, gayundin ang ilang dating opisyal ng DPWH. Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na maaari ring maharap sa kasong plunder, katiwalian at money laundering si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.

Ayon naman kay Office of the Ombudsman Assistant Ombudsman Mico Clavano, pinagsusumite na ng counter affidavit sina Romualdez, Co at walong iba pa, habang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bagama’t maliit pa ang porsiyento ng mga nakakasuhan, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon dahil sa lawak at pagiging kumplikado ng umano’y anomalya.