
Isang resolusyon ngayon ang inihain sa Senado na humihikayat kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na boluntaryong sumuko na sa mga awtoridad at dumaan sa tamang proseso ng batas kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Ang Senate Resolution No. 395 ay inihain nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Bam Aquino habang nananatiling nasa Senado si dela Rosa sa ilalim ng protective custody.
Noong Lunes, inilagay si dela Rosa sa protective custody ng Senado sa ilalim ng bagong liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa resolusyon, sinabi ng mga senador na bagama’t may mga kapangyarihan at pribilehiyo ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon, hindi nito pinahihintulutan ang Senado na magsilbing sanctuary o magbigay ng immunity mula sa pag-aresto sa sinumang miyembro nito.
Ipinaliwanag din nila na ang tanging immunity na ibinibigay ng Konstitusyon sa mga senador ay limitado lamang sa mga kasong may parusang hindi hihigit sa anim na taong pagkakakulong habang nasa sesyon ang Kongreso.
Dagdag pa nila, walang probisyon sa Konstitusyon o sa Senate Rules na nagbibigay kapangyarihan sa Senado upang magkaloob ng “protective custody,” institutional refuge, o immunity laban sa lawful arrest o surrender process.
Binigyang-diin din ng mga senador na sa mga nagdaang kaso na kinasangkutan ng mga dating senador tulad nina Juan Ponce Enrile, Leila de Lima, at Antonio Trillanes IV, iginalang ng Senado ang judicial process.
Layunin din ng resolusyon na ipaalala na walang constitutional o statutory authority ang Senado upang magbigay ng proteksyon laban sa lawful arrest o judicial proceedings.










