
Mahigit 50 lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level na heat index bukas.
Batay sa limang araw na heat index forecast, nasa pagitan ng 42°C hanggang 45°C ang posibleng maranasang init sa 56 na lugar sa bansa.
Pinakamataas na heat index na 45°C ang inaasahan sa Dagupan City, Aparri, Tuguegarao City, Baler, San Ildefonso, Sangley Point, at Alabat.
Nasa 44°C naman ang posibleng maramdaman sa ilang lugar kabilang ang Ninoy Aquino International Airport, Olongapo City, Iloilo City, Siquijor, at Maasin.
Samantala, inaasahan ding makararanas ng 43°C heat index ang ilang lugar gaya ng Laoag City, Puerto Princesa City, Roxas City, Butuan City, at Surigao City.
Kabilang naman sa mga makapagtatala ng 42°C heat index ang Science Garden, Tacloban City, Legazpi City, Masbate City, at Coron.
Ayon pa sa PAGASA, may 19 pang lugar ang inaasahang makararanas ng “extreme caution” heat index na nasa pagitan ng 35°C hanggang 41°C.
Tanging Baguio City lamang ang nakapagtala ng “caution” level na heat index sa 28°C.
Samantala, “not hazardous” o hindi mapanganib na heat index level na mas mababa sa 27°C ang inaasahan sa La Trinidad na may 26°C at Tuba na may 21°C.
Ang heat index ay tumutukoy sa init na aktuwal na nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang temperatura ng hangin at halumigmig. Kapag mataas ang humidity, mas mabagal ang pagsingaw ng pawis kaya mas nahihirapan ang katawan na lumamig.
Pinayuhan naman ng ahensya ang publiko na limitahan ang paglabas ng bahay, gumamit ng payong o sombrero kapag nasa labas, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang labis na pag-inom ng tsaa, kape, at softdrinks.



