
Ligtas nang nakabalik sa bansa ang 79 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Kuwait at Russia, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa OWWA, dumating ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Sabado ng umaga.
Kabilang dito ang 61 OFW mula Kuwait, kung saan 60 ang nagmula sa Sulaibiya Deportation Center at isa ang boluntaryong umuwi sa Pilipinas.
Samantala, dumating naman ang 18 OFW mula Russia sakay ng Air China flight.
Sinalubong at tinulungan ang mga nagbalik na manggagawa ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW).
Binigyan sila ng pagkain, pinansyal na tulong, transportasyon, at pansamantalang matutuluyan.
Ayon sa OWWA, patuloy nitong ipinapatupad ang mga programa para sa reintegration ng mga nagbabalik na OFW, kabilang ang livelihood assistance, pagsasanay, at iba pang suporta upang matulungan silang makapagsimulang muli sa bansa.









