
Nasawi ang walong empleyado ng Local Government Unit ng Bayawan City, Negros Oriental at isang On-the-Job Training (OJT) engineering student matapos mahulog sa bangin ang isang mini dump truck bandang alas-11:10 ng umaga sa Brgy. Kalamtukan, Bayawan City.
Ayon kay Police Captain Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Provincial Office, kabilang sa mga nasawi ang driver na si Egmedio Arnaiz, at ang mga sakay na sina Diomedes Canoy, Kervin Andog, Larry Llamos, Ronel Cabasag, Jonathan Hamor, Jovanie Babor, Jonaryl Caguisa, at Castro Estemada.
Ayon sa ulat, ang mini dump truck ay naghatid ng limang container ng crude oil para sa mga tractor truck sa Brgy. Manduao, Bayawan City, at pabalik na nangyari ang aksidente.
Dagdag pa ni Polinar, hindi pa tiyak ang eksaktong dahilan ng insidente, ngunit paunang ulat ay nagsasabing nag-overshoot ang truck habang bumababa sa kalsada.
Dinala sa Calumbuyan Hospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival.










