Hindi bababa sa walong katao ang nasawi at 32 naman ang sugatan matapos banggain ng freight train ang isang bus sa railway crossing sa Bangkok, Thailand noong Sabado.

Ayon sa mga rescue officials at deputy transport minister, nagliyab ang bus matapos ang banggaan, at mabilis ding kumalat ang apoy sa ilang kalapit na sasakyan malapit sa Makkasan Station ng Airport Rail Link.

Agad namang rumesponde ang mga bumbero at rescue team sa pinangyarihan ng aksidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakahinto umano ang bus sa riles dahil sa red light kaya hindi na ito nakatawid, dahilan upang hindi rin bumaba ang crossing barriers.

Dahil dito, hindi na nakapagpreno ang freight train na may kargang mga container at tuluyang bumangga sa bus, na tumama rin sa ilang kotse at motorsiklo sa paligid.

-- ADVERTISEMENT --

Lahat ng walong nasawi ay pawang mga sakay ng bus, habang ang 32 namang sugatan ay agad na dinala sa iba’t ibang ospital para sa agarang gamutan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente, isinasagawa na rin ang paglilinis at pagkukumpuni sa lugar ng aksidente.