
Ligtas nang nakalabas sa conflict area sa Persian Gulf ang 81 Pilipinong seafarers matapos makatawid ang apat na barkong rehistrado sa Pilipinas sa Strait of Hormuz, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Kinilala ng DFA ang mga barko bilang MV Lyng Trader, MV Western Doncaster, MV Vivian Trader, at MV Eva Fuji na ligtas na nakadaan sa lugar mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 1.
Ayon sa ahensya, karamihan sa mga seafarer ay nakabalik na sa kanilang regular na trabaho habang ang iba naman ay piniling umuwi muna sa kanilang mga pamilya.
Nagpasalamat ang DFA sa tulong ng United Nations at International Maritime Organization sa pagprotekta sa mga sibilyang barko at mga marino sa gitna ng tensyon sa rehiyon.
Sa kabuuan, sinabi ng DFA na nakatulong ang kanilang evacuation framework upang mailabas nang ligtas ang 136 barko na may humigit-kumulang 2,900 seafarers mula sa conflict area.
Gayunman, pansamantalang sinuspinde ng DFA ang evacuation operations matapos muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Patuloy naman ang pagmamanman ng ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng iba pang Pilipinong seafarers na nananatili sa rehiyon.










