Nahaharap sa burnout ang mga medical workers ng San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis matapos ang sunod-sunod na pagbaha.

Ayon kay Medical Center Chief Dr. David Suplico, nasa 120 beds ang inilaan ng ospital para sa leptospirosis patients, ngunit umabot na sa 180 ang admissions. Dahil dito, dinadagdagan ang mga higaan sa mga kuwarto upang ma-accommodate ang mas maraming pasyente.

Inaasahan pa ang panibagong pagtaas ng kaso sa susunod na dalawang linggo dahil sa mga pagbaha noong Agosto 29 at 30. Naka-compressed workweek ang ilang nurses, habang may ilang medical workers ding naka-calamity leave matapos maapektuhan ng baha.

Tumutulong naman ang DOH, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital at Philippine Red Cross sa pagdagdag ng manpower. Hinimok ni Suplico ang mga nalubog sa baha na agad magpatingin, dahil maaaring umabot sa 50 porsyento ang mortality rate sa malubhang kaso ng leptospirosis. Ayon sa DOH, 5,486 na kaso ang naitala sa buong bansa mula Enero hanggang Agosto 27, 2026.

-- ADVERTISEMENT --