
Naka-full alert na ang National Capital Region Police Office o NCRPO bilang paghahanda sa mga planong protesta sa Setyembre 21.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, mas maagang itinaas ang alert status mula sa naunang plano na Setyembre 19, matapos ang command at final coordinating conference ng NCRPO.
Sinabi ni Co na layunin nitong maging mas handa ang pulisya sa anumang sitwasyong maaaring mangyari sa mga protesta. Nilinaw niyang hindi ito dahil sa anumang natukoy na banta.
Nagsagawa na rin ang pulisya ng security walkthrough sa mga lugar na inaasahang pagdarausan ng mga kilos-protesta upang matukoy ang posibleng security concerns.
Posible rin ang pagpapatupad ng road closures at iba pang traffic measures sa mga lugar na magkakaroon ng protesta. Ayon sa PNP, ibinatay ang security plan at deployment sa mga nangyari noong Setyembre 21 noong nakaraang taon.










