Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea o NTF-WPS ang umano’y pagbangga ng China Coast Guard o CCG vessel sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa West Philippine Sea.

Ayon sa NTF-WPS, nagsasagawa ng lehitimong civilian mission ang BRP Datu Magat Salamat nang paulit-ulit umanong magsagawa ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel 21585 bago ito bumangga sa barko ng Pilipinas.

Nangyari ang insidente sa layong 6.36 nautical miles hilagang-kanluran ng Abad Santos Shoal at humigit-kumulang 54 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan, sa loob ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.

Nasira ang starboard side ng BFAR vessel, kabilang ang mga railing, metal stanchions at support structures, gayundin ang ilang deck fixtures at equipment. Ayon sa NTF-WPS, nalagay din sa panganib ang mga civilian crew.

Giit ng NTF-WPS, seryosong paglabag sa international maritime rules ang insidente, kabilang ang 1972 COLREGs, UNCLOS at 2016 Arbitral Award.

-- ADVERTISEMENT --

Nanindigan ang task force na patuloy na ipagtatanggol ng Pilipinas ang karapatan at kapakanan ng mga mangingisda at isasagawa ang mga lehitimong misyon sa West Philippine Sea nang may pagpipigil at propesyonalismo.