Humiling ang National Bureau of Investigation o NBI ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO laban kay Batangas Representative Leandro Leviste at anim pang indibidwal na iniuugnay sa umano’y planong pag-frame kay Executive Secretary Ralph Recto.

Kabilang sa hiniling na isailalim sa ILBO si dating mambabatas Jing Paras at limang iba pa.

Nag-ugat ito sa reklamo ng NBI para sa qualified human trafficking laban sa mga respondent kaugnay ng umano’y plano laban kay Recto.

Sa ngayon, sinusuri pa ng Department of Justice ang reklamo at maaari itong ibalik sa NBI o ituloy sa preliminary investigation.

Nauna nang nagsagawa ang NBI ng entrapment operation kung saan nasagip ang ilang indibidwal. Ayon sa ilan sa kanila, inalok umano sila ni Paras ng bayad kapalit ng paggawa ng kuwento at pagpirma sa affidavit.

-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi naman ng kampo ni Leviste ang pagkakasangkot sa umano’y plano, habang sinabi ng kampo ni Paras na kusang lumapit sa kanila ang isang umano’y talent manager upang tumestigo at humingi ng tulong sa paggawa ng affidavit.