Posibleng makita na ng mga consumer sa November electricity bill ang epekto ng pagtanggal sa 12% value-added tax o VAT sa allowable system loss charges ng mga power utility.

Ayon sa Energy Regulatory Commission o ERC, nakipagpulong na ito sa mga stakeholder para mapabilis ang pagpapatupad ng circular ng Bureau of Internal Revenue o BIR.

Sinabi ni ERC Chairperson Francis Saturnino Juan na target na maipatupad ang pagbabago sa October electricity consumption, kaya inaasahang makikita ito sa bill na matatanggap sa Nobyembre.

Nilinaw naman ng ERC na VAT lamang sa system loss charge ang aalisin at hindi ang mismong charge, na kaugnay sa generation at transmission costs ng kuryenteng nawawala habang ipinapamahagi.

Tinatayang nasa P20 hanggang P30 ang VAT component ng system loss charge. Ayon naman sa Department of Energy, maaaring makatipid ng hindi bababa sa P20 ang mga household na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours kada buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng BIR Revenue Memorandum Circular 097-2026, hindi na papatawan ng VAT ang system loss charges na pasok sa cap na itinakda ng ERC.