
Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang lahat ng distribution utilities na magsumite ng kanilang system loss data mula taong 2021 hanggang 2025.
Ayon sa ERC, layunin nitong mapalakas ang transparency, pananagutan, at proteksyon sa mga consumer kaugnay ng paniningil ng system loss charge sa kanilang electric bill.
Kasunod ito ng mga panukalang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act at ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address na alisin ang system loss charge sa mga konsyumer.
Kabilang sa mga impormasyong hinihingi ng ERC ang halaga ng biniling kuryente, transmission cost, kabuuang kuryenteng natanggap at naipamahagi, technical at non-technical losses, at iba pang datos na may kaugnayan sa system loss.
Inatasan ang lahat ng distribution utilities na isumite ang mga kinakailangang datos hanggang August 3.








