Pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang commercial operation ng Reserve Market sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng gastos sa ancillary services na nakaaapekto sa singil sa kuryente, lalo na sa Visayas.

Layunin ng hakbang na mabigyan ng panahon ang pagsasaayos ng mga polisiya sa pagbili ng reserve power at sa pagpapasa ng mga kaugnay na gastos sa mga consumer.

Inaprubahan ang kautusan noong Oktubre 8 kasunod ng konsultasyon sa Department of Energy (DOE).

Batay sa pagsusuri ng ERC, nanatiling mataas ang presyo sa Reserve Market mula nang ganap itong ipatupad noong 2024. Sa Visayas, umabot sa mahigit 60 beses ang epekto nito sa singil kumpara sa mga umiiral na kontrata ng Ancillary Service Procurement Agreements o ASPA.

Sa ilalim ng suspensiyon, kukuha muna ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng reserve capacity mula sa mga umiiral na kontrata at sa mga itatalagang must-run power plants upang matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente.

-- ADVERTISEMENT --

Inatasan din ng ERC ang NGCP na magsumite ng assessment sa loob ng 30 araw.

Samantala, binigyan ng anim na buwan ang NGCP, Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) at Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) upang maghain ng panibagong disenyo ng Reserve Market na maglalayong maiwasan ang labis na gastos ng mga consumer habang pinananatili ang katatagan ng suplay ng kuryente.