Isasailalim sa lockdown ang Malacañang complex ngayong Setyembre 21, kasabay ng inaasahang malalaking kilos-protesta ng iba’t ibang grupo para sa ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.

Ayon sa Presidential Communications Office, isasara ngayong araw ang New Executive Building o NEB na kinaroroonan ng ilang tanggapan ng Malacañang, bilang bahagi ng standard security protocols.

Suspendido rin ang operasyon ng Presidential Action Center upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, habang lilimitahan ang access sa mga kalsada at gate na patungo sa Palasyo.

Samantala, sinuspinde rin ng Manila City government ang face-to-face classes sa lahat ng antas ngayong araw, batay sa rekomendasyon ng pulisya.