
Nagpadala ang Pilipinas ng sariwang durian at mangosteen sa Canada bilang bahagi ng hakbang ng Department of Agriculture o DA na magbukas ng panibagong merkado para sa mga produktong agrikultural.
Unang batch na ipinadala ngayong Setyembre 23 ang 300 kilo ng durian at 120 kilo ng mangosteen na patungo sa Vancouver.
May ikalawang shipment naman na 300 kilo ng durian at 200 kilo ng mangosteen na nakatakdang ipadala sa Toronto ngayong Setyembre 24.
Ayon sa DA, bahagi ito ng pagpapalawak ng high-value agricultural exports ng bansa upang madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mapalakas ang rural economy.
Ipinadala ang mga prutas sa Canada sakay ng Philippine Airlines.
Ang shipment ay kasunod ng unang commercial shipment ng sariwang Carabao mangoes sa Canada na umabot sa isang metriko tonelada.










