
Inilunsad ng Department of Agriculture ang dalawang digital system para sa livestock data bilang bahagi ng pagsisikap na gawing mas moderno ang animal industry ng bansa.
Kabilang dito ang Animal Management Information System o AMIS at Livestock Registry System o LRS, na unang pag-iisahin ang datos mula sa apat na pangunahing livestock agencies.
Layunin ng AMIS na magsilbing central repository ng impormasyon tungkol sa animal production, health, vaccination, diseases, presyo at iba pang datos sa livestock industry.
Samantala, magsisilbing master list naman ang LRS ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Animal Competitiveness Enhancement Fund o AnCEF.
Ayon sa DA, makatutulong ang dalawang sistema sa mas mabilis na pagtukoy ng sakit, mas mahusay na pagtugon sa mga outbreak, at mas tamang paglalaan ng mga programa at resources.
Target ang mas malawak na implementasyon ng AMIS at LRS sa 2027, kasama ang mas maraming ahensya, lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders.










