
Binatikos ng Commission on Audit o COA ang National Food Authority o NFA matapos mabigong maabot ang itinakdang 15-day rice buffer stock noong 2025.
Batay sa audit, nasa 408,944 metric tons lamang ang stock ng NFA, sapat para sa 10.68 araw. Naitala rin na 77% lamang ng target na 545,000 metric tons na palay ang nabili ng ahensya.
Sa P14 bilyong subsidy na inilaan para sa procurement noong 2024 at 2025, nasa P10 bilyon lamang ang nagamit ng NFA.
Napansin din ng COA na umaabot sa P23.53 kada kilo ang procurement cost ng NFA, mas mataas sa average farmgate price na P17.70 kada kilo.
Bukod dito, halos 6.8 milyong sako ng palay at 1.9 milyong sako ng milled rice ang lumampas sa itinakdang storage period, na maaaring magdulot ng pagkasira at dagdag na gastos sa imbakan.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, naresolba na ang bahagi ng problema sa pamamagitan ng auction at paggiling sa mga natitirang palay.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na sapat na umano ang kasalukuyang buffer stocks, na maaaring umabot sa 75 araw na supply hanggang katapusan ng Disyembre, batay sa worst-case estimates.










