Inilaan ng gobyerno ang P10.363 bilyon para sa modernisasyon ng rice processing facilities bilang bahagi ng hakbang ng Department of Agriculture o DA na palakasin ang rice procurement ng bansa.

Ayon sa DA, gagamitin ang pondo sa pagtatayo ng 36 modern rice processing facilities, habang 128 warehouses naman ang nakatakdang i-rehabilitate. Sa mga ito, 100 na ang naayos.

Kabilang sa mga modernisadong pasilidad ang Dumangas Grain Facility sa Iloilo, na may rice mill na kayang magproseso ng 10 metric tons kada oras at mechanical dryer na may kapasidad na 240 metric tons kada araw.

Nakakuha rin ang DA ng ¥1.7 bilyong grant para sa NFA Cauayan Rice Processing Project.

Samantala, umabot sa 92,032 metric tons ng palay ang nabili ng National Food Authority o NFA mula Enero hanggang Setyembre 2026, sa presyong P27 hanggang P30 kada kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, posibleng bumaba sa 3.19 milyong metric tons ang produksyon ng palay sa ikatlong quarter ng taon, o 15 porsyentong mas mababa kumpara sa parehong panahon noong 2025.