
Nagtatag ang Department of Agriculture o DA ng Interim Rice Industry Development Office o Rice Office para mas mapalakas ang koordinasyon, monitoring at pagpapatupad ng mga programa para sa industriya ng bigas.
Pangungunahan ng bagong tanggapan ang mga programa sa ilalim ng National Rice Program at Rice Competitiveness Enhancement Fund, kabilang ang pagbuo ng mga panuntunan at sistema para sa mga rice-related programs ng pamahalaan.
Magsisilbi rin itong sentro sa rice digitalization initiatives at pamamahala ng database ng industriya ng bigas upang mas maayos na matukoy at matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at iba pang sektor.
Ayon sa DA, kabilang sa mga hamon ng industriya ang mataas na production cost, kakulangan sa post-harvest facilities at pangangailangan para sa climate-resilient na pamamaraan ng pagsasaka.
Samantala, sinabi ng DA na hindi nito planong ipagbawal ang pag-aangkat ng bigas sa kabila ng paglagpas sa tatlong milyong metric tons ng rice imports, habang titiyakin umanong hindi babagsak ang farm-gate price ng palay ng mga lokal na magsasaka.










